
Pebrero 8, 2021. Lunes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.
or mass of St. Jerome Emiliani, Layman (White)
or mass of St. Josephine Bakhita, Virgin (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 1, 1-19
Ang simula ng aklat ng Genesis
Nang simulang likhain ng Diyos ang lupa at ang langit, ang lupa ay wala pang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito’y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw at ang dilim naman ay tinawag niyang Gabi. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga -iyon ang unang araw.
Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito’y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos ang kalawakan na pumagitan sa tubig na nasa itaas at nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikalawang araw.
Sinabi ng Diyos: “Magsama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At ito’y nangyari. Ang lupa ay tinawag niyang Daigdig, at Karagatan naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito’y mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng halamang namumunga at nagbubutil!” At nangyari ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya sa kanyang ginawa nang ito’y mamasdan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ikatlong araw.
Sinabi pa ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito’y magsasabog ng liwanag sa daigdig.” At gayun nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malaking tanglaw: ang Araw, upang tumanglaw sa maghapon, at ang Buwan, upang magbigay liwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magsabog ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw o gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Pinagmasdan ng Diyos ang kanyang ginawa at siya’y nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – iyon ang ika-apat na araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at 12. 24 at 35k
Ang Poon ay natutuwa sa kanyang mga nilikha.
MABUTING BALITA
Marcos 6, 53-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sina Hesus at ang kanyang mga alagad ay tumawid ng lawa, at pagdating sa Genesaret ay isinadsad nila ang bangka. Panglunsad nila, nakilala siya agad ng mga tao kaya’t nagmamadaling nilibot ng mga ito ang mga pook sa paligid; at ang mga maysakit, na nakaratay na sa higaan ay dinala nila kay Hesus, saanman siya dumating, maging sa nayon, lungsod, o kabukiran, ay dinadala sa liwasan ang mga maysakit, at isinasamo sa kanya na pahipuin sila kahit man lang sa palawit ng kanyang kasuutan. At lahat ng makahipo nito ay gumagaling.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Napakamaawain ng Diyos. Napakaraming gustong makakuha ng awa na ito. Kahit saan magpunta si Jesus ay sinusundan Siya. Naglalakad lamang at wala pang mga mabibilis na sasakyan noon. Dala-dala nila ang mga may-sakit, mapagaling lamang ni Jesus. Ngayong panahon ng pandemya, tayo rin ay walang tigil na tumatawag at humihingi ng awa kay Jesus upang ang ating mundo ay pagalingin.
Nakakapagod man ang biyahe tungo sa pagpapagaling, ang mahalaga ay hindi tayo mawawalan ng pananampalataya. Hindi man natin madala pisikal ang mga may-sakit patungo kay Jesus at sa mga Simbahan, nawa ay dalhin natin sila sa ating puso. Ilapit natin ang mga may-sakit kay Jesus sa pamamagitan ng panalangin at humingi ng pagpapagaling para sa kanila. Walang sawa tayong tumawag sa Diyos sapagkat Siya ay hindi nauubusan ng awa.
Naghihintay lamang Siya sa mga taong may pananampalataya sa Kanya. Darating din ang araw ng paghihilom sa mga sugat at karandaman hindi lang pisikal, kung hindi espiritwal at emosyonal. Lumapit tayo sa Diyos nang may pananalig at tiwala sa Kanya at Siya ang bahala sa atin anuman ang mangyari. Amen.
Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +
Reflections By: Frances Mary Margaret DJ
Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

