Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Buksan ang Puso”

 

 

 

 

 

Pebrero 12, 2021. Biyernes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Genesis 3, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ng Gensis

Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa’y tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
Tumugon ang babae, “Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.”
“Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay,” wika ng ahas. “Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo’y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.”

Napakaganda sa paningin ng babae ang panunongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila’y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan.
Pagdadapit-hapon, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoon, kaya’t nagtago sila sa kahuyan.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Mapalad ang pinagbigyang mahango sa kasalanan.

MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, pagbabalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ngayon po ay natunghayan natin ang pagpapagaling ni Jesus sa isang bingi at nahihirapang magsalita. Sinabi ni Jesus “Effata!” na ang ibig sabihin ay mabuksan. Ano ang gustong buksan ni Jesus? Ang pagkabingi ay tila may nakakaharang kung bakit hindi nakakarinig. Tila may sarado kaya walang marinig na tunog. Ilan ba ang bingi o pipi sa atin? Malamang ay kakaunti lamang kung ihahambing sa kabuuang populasyon. Subalit iilan sa “normal” na populasyon natin ang may tainga, nakakarinig at naintindihan talaga nang buo ang Salita ng Diyos? Baka kakaunti lamang din.

Sapagkat sa ating mundo ay kalat na kalat ang kasalanan at kasamaan. Sa ating bansa nga bagamat Katoliko tayong tinagurian ay puno ng magnanakaw ang mga nasa gobyerno. Hindi nasusunod ang pagiging Kristiyano. Hindi nakakarinig ng tama at kung ano ang Salita ng Diyos na nagsasabing gumawa ng mabuti, maging mabuti at ipaglaban ang Hustisya. Ibig sabihin ay marami sa atin ang bingi. Marami sa atin ang sarado ang puso at isip sa Diyos at sa mabuti. Sarado sa pagbibigay subalit bukas sa masama at pagkamakasarili. Kaya ano ang ating kailangan? Kailangan natin ng pagpapagaling ng Diyos. Kailangan tayong hilumin sa ating mga kasalanan at ang mga pinagmumulan nito.

Gaya ng bingi at hirap magsalita na lalaki ay humingi tayo sa Diyos ng awa at grasya upang buksan ang puso natin at marinig ang tinig Niya. Maging bukas nawa tayo sa mabuti at sa tama, hindi sa mali. Gaya ng lalaking pinagaling, hilumin nawa ng Panginoon ang ating pananalita nang sa gayon ay ang Mabuting Balita at pagpapala ang ipalaganap natin at sabihin sa mga tao. Sa paraang ito, ang mabuti ang kakalat at mamamayani sa mga tao lalo ngayong panahon ng pandemya na mas kailangan natin ng pag-asa. Tayo rin mismong mga Kristiyano ang dapat magpalaganap nito. Ang mabubuting narinig mula sa Diyos ang ipakalat natin. Maging bukas lamang tayo sa Diyos at pakinggan Siya upang tayo ay maging daluyan ng biyaya Niya. Higit sa lahat, tayo ay patuloy na manalangin. Ipanalangin natin maging ang ating bansa, ang lahat ng kapwa mamamayan at ang buong mundo. Amen. +

Pagnilayan po natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?