Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Awa ng Diyos”

 

 

 

 

Setyembre 21, 2020. Kapistahan ni Apostol San Mateo, manunulat ng Mabuting Balita.

UNANG PAGBASA
Efeso 4, 1-7. 11-13
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid, ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo’y maging mapagkumbaba, mabait, at matiyaga. Magmahalan kayo at magpaumanhinan. Pagsumikatan ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng buklod ng kapayapaan. Iisa lamang ang katawan at iisa lamang ang Espiritu; gayun din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang binyag, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat.
Ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y tagapaghatid ng Mabuting Balita, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang.
Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 9, 9-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umalis si Hesus at sa kanyang paglakad, nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo: nakaupo ito sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig si Mateo at sumunod sa kanya.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming publikano at mga makasalanan. At sila’y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo sa mga publikano at mga makasalanan ang inyong guro? Narinig ito ni Hesus at siya ang sumagot, “Ang mga maysakit ang nangangailangan ng manggagamot, hindi ang mga walang sakit. Humayo kayo at unawain ninyo ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Mateo! Madalas nakakalimutan natin na may mga santo gaya ni San Mateo na may hindi magandang nakaraan. Isa siyang kilalang makasalanan, maniningil ng buwis, nandaraya para sa sariling kayamanan at kilala bilang isang pahirap sa buhay ng mga tao noon. Subalit paanong nangyari na naging alagad siya ni Jesus? Siya nga ay naging isa sa labindalawa at naging isa pang ebanghelista. Kung makakalimutan natin kung sino ang mga santo gaya ni Mateo ay makakalimutan din natin ang awa ng Diyos. Na ang Diyos pala ay pumunta para sa makasalanan. Para hilumin at iangat tayo mula sa ating mga kahinaan at kasalanan, iyon ang pinakapakay ni Jesus. Kaya dapat ay hindi tayo mahiyang ilapit sa kanya anumang kasalanan at kahinaan mayroon tayo.

Nahihirapan ka bang tanggapin ang awa ng Diyos? Mahirap bang paniwalaang mahal na mahal ka ng Diyos sa kabila ng iyong pagkamakasalanan? Alalahanin mo ang buhay dati ng ilan sa mga kilalang santo kasama na sina San Agustin, San Francisco, at kahit na si San Pedro na itinatwa rin si Jesus, ngunit kinalaunan ay naging kauna-unahang Santo Papa pa at pundasyon ng Simbahan tulad ng sinabi ni Jesus sa Kanya. Wala sa mga kasalanan natin ang binibilang ng Diyos kung tunay tayong magbabago at susundan siya. Isang sabi lang ni Jesus kay Mateo nang “Sumunod ka sa akin”. Tumindig agad si Mateo at sumunod kay Jesus. Kung tatalikdan natin nang tuluyan ang lahat ng ating masamang gawain at kasalanan at susunod kay Jesus, balewala gaano man katindi ang ating nagawa. Bibigyan tayo ng Diyos ng bagong buhay. Siya ay palaging naghihintay sa atin nang bukas ang mga palad na punung puno ng awa at pag-ibig para sa ating lahat. Tayo rin nawa ay huwag maghusga at hatulan ng kapwa para mas maintindihan natin ang malawak na awa ng Diyos para sa mga makasalanan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?