Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Paglilinis ng Sarili”


 

Nobyembre 23, 2018. Biyernes. Ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 119: O kay tamis na namnamin ang utos mong bigay sa’min. 

Unang Pagbasa: Pahayag 10:8-11

Pagkatapos ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang kasulatan na nakabukas.”

Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang kasulatan. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong panlasa’y kasingtamis ng pulot-pukyutan.”

Inabot ko nga at kinain ang maliit na kasulatan. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na’y pumait ang aking sikmura.

At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga ipinasasabi ng Diyos tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”

Ebanghelyo: Lucas 19:45-48

Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon.

Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.

Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

Pagninilay:

Kung paano natin hinuhusgahan ang ating kapwa, ay ganoon din tayo nahuhusgahan dahil sa ang ating sariling mga pagkakamali. Ngayong Ebanghelyo ay natunghayan natin ang galit ni Jesus sa mga mandarambong at mga negosyanteng manloloko sa loob pa mismo ng templo.

Itong mga tao na ito ang mga kaaway ni Jesus bagamat sila’y naglilingkod sa templo. Sapagkat gawain ng mga taong iyon ang kanilang ibinibintang at punong puno ang kanilang isip ng malisya at panghuhusga sa kapwa habang sila mismo’y mga nagkakasala.

Maging sila na dapat nagtatanggol ng pananampalataya ay sila pa ang nangunguna. Sila din ang mga nanghuhusga at nag-aakusa kay Jesus hanggang kamatayan. Bagamat ang Panginoon ay inosente, desidido silang ipapatay si Jesus. Sapagkat ayaw ng mga taong mapagmataas at hangal na napupuna ang kanilang masasamang gawain. Ngunit ang mga tunay na wais at mababa ang loob na kinalulugdan ng Diyos ay gustong malaman ang kanilang pagkakamali. Ito ang pinagkakaiba.

Di makakailang hanggang ngayon, ay mayroon mga taong ganito. Hindi lamang mga pari o relihiyoso kung hindi lahat tayo na nanampalataya kay Cristo ay may responsibilidad bilang mga hinirang niya at nabinyagan sa kanyang simbahan upang ipakalat ang Mabuting Balita sa salita o sa gawa, maging sa ating sariling buhay. Oo, ang paglilinis ng puso at pagpapakabanal ay para sa lahat na miyembro ng Simbahan.

Lahat tayo ay may tungkulin lalo na ang mga laikong nakakalat sa iba’t ibang panig ng lipunan at bumubuo ng malaking bahagi ng simbahan. Tayo ay dapat magtanggol sa mga naapi at mga mahihirap. Kung tayo’y nakiayon sa mali, at walang sinabi. Kung tayo’y nakiisa sa mga taong nakakasakit sa Diyos, tayo’y naging katulad na rin ng mga taong iyon.

Nakakalungkot na tayo pa din mismo minsan ay nakikisali sa mga hidwaan, kaguluhan, siraan imbes na gumawa ng mabuti. Mula sa maliliit na pamayanan at maging sa pamilya. Dito nasasalamin sa atin ang mga sugat ng ating simbahan tayo din mismo ang makakagamot kung aayusin natin ang sarili nating disposisyon.

Ang magalit ay hindi kasalanan kung ito’y para sa mabuti, at malalaman mong ito’y mabuti kung may magandang bunga at nakakatulong sa iba. Ngunit kung ito’y lalo pang nakasisira at nakakababa ng moral ng tao. Mag-isip ka na at baka ikaw din mismo ay biktima ng sarili mong panghuhusga dahil kung paano natin hinusgahan ang ating kapwa, ganoon din tayo huhusgahan ng ating Diyos at ang ating sarili’y huhusgan ang sarili nang parehong sukat na ginamit natin sa iba.

Mula ngayon, sikapin nating suriin ang ating mga emosyon at nararamdaman kung ito ba’y nagtutulak na gumawa tayo ng mabuti o masama. Habang nakikipaglaban sa katotohanan at hustisya tungo sa kapayapaan.

Alam ng Diyos ang lahat ng laman ng ating puso at wala tayong maitatago sa kanya. Panahon na upang ihanda ang ating sarili sa pagdating ni Cristo ngayong kapaskuhan at iwan ang mga bagay na nakakapagpasama ng loob, mga hidwaan at galit. Makakagamot lamang dito ang pagpapakumbabang loob sa isa’t isa. Alalahanin natin ito dahil ang katotohana’y tayong lahat ay nagkakasala at nagkakamali dahil pawang mga makasalanan tayo.

Ang pagtanggap na ito ang magiging susi sa ating kapayapaan at paglilinis mismo ng ating templo – hindi lamang ang istrukturang nakikita natin kung hindi ang templo ng ating mga sarili. Ang templo ng ating puso kung saan nananahan ang Panginoong Diyos.

Pagnilayan, ano ang ating dapat gawin upang malinis ko ang templo ng aking puso’t kaluluwa?

Pagninilay: Kaawaan mo ako Jesus at hilumin sa aking mga sugat. Gawin mo akong banayad at malinis upang makita kita sa lahat ng bagay. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Photo Credits: DriveThruHistory.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.