Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Ating Tagapagbantay”

 

 

 

 

 

Oktubre 2, 2021. Paggunita sa mga Anghel na Tagatanod.

Memorial of the Holy Guardian Angels.

UNANG PAGBASA
Baruc 4, 5-12. 27-29
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan. Dahil sa inyo, buhay pa ang bansang Israel. Ipinagbili kayo sa mga dayuhan hindi upang lipulin. Ipinasakop kayo sa iba pagkat ginalit ninyo ang Diyos. Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kanya, nilait ninyo ang sa inyo’y lumikha. Kinalimutan ninyo ang Diyos na sa inyo’y nag-alaga sa pasimula, at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo’y nag-aruga. Nakita ng Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo at kanyang sinabi, “Mga kalapit-bayan ko, ako’y pinararanas ng Diyos ng matinding hirap.

Ang mga mamamayan ko’y ipinabihag ng Walang Hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway. Maligaya ko silang pinalaki ngunit nanangis ako sa dalamhati nang sila’y kunin sa akin. Huwag sanang ikagalak ninuman ang aking kasawian. Naiwan akong nangungulila dahil sa pagkakasala ng aking mga mamamayan. Tinalikdan nila ang Kautusan ng Diyos at ako’y naging isang bayang wasak at tiwangwang.

“Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak. Tumawag kayo sa Diyos. Pinarusahan nga niya kayo, ngunit hindi niya kayo pababayaan. Noon, kayo ay lumayo sa kanya. Ngayon nama’y manumbalik kayo at maglingkod sa kanya nang buong pagsisikap. Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito ang siya ring magkakaloob sa inyo ng tuwang walang katapusan pag kayo’y iniligtas na niya.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 33-35. 36-37
Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”

“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:

MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi,

“Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
“Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng mga Anghel! Akala siguro ng iba, dahil simula bata ay laging nababanggit ang anghel na hindi nakikita ay hindi na sila totoo. Para bang si Santa Claus na pinaniwalaan ng iba noon subalit hindi pala totoo. Ngunit totoo po sila. Galing na mismo sa bibig ni Jesus at nasa turo din ng ating Simbahan na bawat isa sa atin ay may anghel dela guardia, o anghel na tagatanod o “guardian angel”. Tandaan na hindi natin sila maaring bigyan ng pangalan dahil Diyos lamang ang makakagawa nito. Kapag sila’y binigyan ng pangalan, iyon ay delikado at maaring makalinlang ang demonyo.

Sapagkat wala tayong awtoridad gawin iyon. Sa lahat ng ito, magandang malaman at alalahanin ang kanilang mahalagang papel na ginagampanan sa ating buhay kahit hindi natin sila nakikita. Ang mga anghel ay pawang mga Espiritu subalit sila ay nabubuhay at kasakasama natin dito sa mundo upang maging ating tagapagbantay, tapagtanggol, at tagalayo sa tukso. Katulong natin sila sa lahat ng dasal at mabubuting gawain para sa Diyos.

Hindi sila nakikita subalit hindi sila umaalis sa ating tabi. Lagi natin silang kasama. Kaya kung iisipin natin lagi ito, mahihiya tayo sa ginagawa at gagawing pagkakasala. Sapagkat may isang lagi nating kasama ang nakakakita ng lahat bukod sa Diyos – ang ating anghel na tagatanod.

Tutulungan nila tayong mapalapit sa Diyos at maging banal. Kailangan lamang natin magdasal at makinig. Sapagkat ang kapangyarihan na mayroon sila ay kapangyarihan ng Diyos. Nandito sila sa mundo at naroroon din sila sa langit. Kaya matutulungan nila tayo sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Walang hindi kayang gawin ang Diyos. Lahat ito ay Kanyang ibinibigay dahil sa lubos na pag-ibig sa atin.

Ang daan sa pagiging banal at dakila sa kaharian ng Diyos ay pagiging isang bata. Mababa ang loob, sumusunod at hindi itinuturing ang sarili na importante o nakakaangat kaysa sa iba. Suriin natin ang sarili kung ano ang dapat baguhin upang maging ganito ang ating pag-uugali. Sapagkat kung ganito tayo na tila isang bata, magiging madali sa ating sumunod sa Diyos at sa mga anghel na itinalaga Niya para sa atin upang gabayan tayo sa daan tungo sa Kanya. Walang imposible sa Diyos.

Ang lahat ay makakaya natin kung tatalima tayo sa Kanya at gagamitin ang lahat ng Kanyang ibinigay na grasya at biyaya upang makasunod sa Kanya. Sa tulong ng Diyos at ang mga anghel na Kanyang ibinigay sa atin ay makakaya nating mag-isip ng mabuti, magsalita ng mabuti at gumawa ng mabuti dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Amen. +

Manalangin tayo:

Anghel ng Diyos,
tanod kong mahal,
pag-ibig Niya ang sa iyo’y naglagay
sa aking piling sa lahat ng araw,
upang ako’y tanglawan at tanuran,
akayin at pamahalaan.
Amen.

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?