Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Sila’y Nagiging Iisa”

Oktubre 3, 2021. Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Genesis 2, 18-24
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Sinabi ng Panginoong Diyos: “Hindi mainam na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng makakasama at makakatulong.” Kaya, lumikha siya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid, inilapit sa tao, at ipinaubaya dito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itawag, iyon ang magiging pangalan nila. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon at mga hayop, maging maamo o mailap. Ngunit wala isa man sa mga ito ang angkop na kasama at katulong niya.
Kaya’t pinatulog ng Panginoon ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae, at inilapit sa lalaki.

Sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang siyang itatawag sa kanya sapagkat sa lalaki nagmula siya.”
Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina upang sumama sa kanyang asawa, sapagkat sila’y nagiging iisa.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5. 6
Tayo nawa ay basbasan
ng Poon magpakailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 9-11
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahiyang tawagin silang mga kapatid.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Marcos 10, 2-16

o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 10, 2-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus. Ibig nilang masilo siya kaya’t kanilang tinanong, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tugon niya, “Ano ang utos sa inyo ni Moises?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa matapos bigyan ng kasulatan sa paghihiwalay.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya inilagda ang utos na ito. Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Hesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay gumagawa ng masama sa kanyang asawa – siya’y nangangalunya. At ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba ay nangangalunya rin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Ang katotohanan ay katotohanan. Hindi ito nagbabago dahil lang gusto ng tao. Hindi ito maaring mabaluktot ayon sa gusto lang paniwalaan ng tao. Sapagkat ang katotohanan ay Diyos. Ang katotohanan ay si Jesu Cristo. Isang mainit na usapan noong mga nakaraan ang diborsyo. Maliwanag na tutol ang Simbahan dito. Subalit marami na rin ang kahit Katoliko pa, ang hindi naiintindihan ang turo ng Simbahan, Marami ang hindi na naniniwala rito, at hindi na ring sinusubukang intindihin pa. Mahina ang pananampalataya sa ilan sa Simbahang si Kristo mismo ang nagtayo kahit na sinasabi pa nilang Katoliko sila. Subalit ang ibig sabihin ng pagiging tunay na Katoliko ay may tiwala tayo sa Simbahang itinayo ni Jesus at naniniwala sa Kanyang mga turo at aral dahil naniniwala tayong lahat ito ay galing mismo kay Jesus at hindi imbento ng kung sinong tao.

Nakakalungkot na simula noon hanggang ngayon, sa mga Banal na Labi na mismo ni Jesus nanggaling na “dahil sa katigasan ng puso ng tao” kaya pinahintulutan ni Moses noon sa Lumang Tipan ang paghihiwalay ng mag-asawa. Subalit malinaw na malinaw na sinabi ng Diyos, na simula noon hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi paghihiwalay ang Kanyang kagustuhan.

Ano ba ang pagkakaiba ng diborsyo o divorce sa “annulment”? Bakit ang annulment ay pinapayagan ng Simbahan? Sa diborsyo, pinapawalang bisa ang kasal. Sa annulment ay tinuturing na invalid ang kasal at ibig sabihin ay wala talagang kasal na naganap. Ang diborsyo ay masama dahil inaamin nitong kayang mawalan ng bisa ang kasal. Subalit sinabi na ng Diyos na hindi maaring paghiwalayin ang tao ang pinagsama ng Diyos. Subalit ang annulment naman ay ibig sabihin kulang ang lahat ng elementong makakapagsabing tunay silang ikinasal halimbawa na lamang ay labag sa loob, o napilitan lamang partikular na ang “shotgun marriage” na nangyayari talaga noon. O di kaya’y kasal sa pagitan ng isang hindi nanampalataya sa Diyos at isang Katoliko, lalo kung lingid ito sa kaalaman ng nananampalataya.

Pwede ring kung may adiksyon, o kondisyon sa isip ang tao at hindi naman pala niya talagang kayang gampanan ang kanyang tungkulin at pangako o “lifelong commitment” sa kasal. Dahil ang kasal ay sa pamamagitan ng dalawan taong may Kalayaan, kalayaang pumili at italaga ang sarili sa kasal na ito, at buo ang kanyang sarili upang ialay sa asawa. Kaya ang kasal ay sagrado. Hindi ito basta-basta. Subalit ito pa rin ay posible sapagkat Diyos din ang gagawa ng paraan para magtagpo ang dalawang tao at Siya rin ang magbibigay ng lahat ng grasya at pagpapala mula sa sakramento upang magampanan ang lahat ng tungkulin sa buhay mag-asawa ayon sa Kanyang kalooban. Maari kayong magsaliksik at magbasa mula sa mga website na maaring mapagkatiwalaan para magkaroon ng kaalaman ukol dito. Huwag basta basta maniniwala sa mga nakikita o sabi-sabi sa kung saan. Mag-isip, magdasal at magsaliksik nang mabuti. Napakaganda ng kasal sa Simbahan kaya ito ang pinupuntiryang sirain ng demonyo.

Sapagkat ang kasal ay hindi gawa-gawa ng tao. Ito ay gawa, plano at disenyo ng Diyos. Hindi kasalanan ng Diyos kung maraming taong una ay nagkakamali simula pa lang sa umpisa sa pagpili ng isang tao na pakakasalan dahil sa mga maling rason. Hindi kasalanan ng Diyos ang pangalawa, kung madaling sumuko ang dalawang tao sa isang problema. At sinusunod na lamang ang sarili dahil wala na sa sentro nila ang Diyos. Sagrado ang kasal at hindi isang biro ang panunumpa sa harap ng Diyos. Hindi rin ito isang rason para pumayag na lamang mag-live-in kaya nagkakaroon ng mas marami pang problema sa pamilya dahil walang tinatawag na “stability” at aminin man ng mga tao na gumagawa nito ay mas nagkakaroon lamang ng mas marami pang sugat kung saan pinakakawawa ang mga anak.
Sila ang pinakanasusugatan. Sila ang pinakanawawalan. Subalit dahil wala silang boses upang sabihin ito at marami namang distraction sa mundo, nariyan ang maraming pang-aliw, social media, pagkain, pagkakaabalahan, trabaho o aral, atbp, napapabayaan na ang pamilya.

Subalit magtanong tayo sa sarili, anong klaseng sosyedad o komunidad ang nagkakaroon tayo ngayon dahil nasisira na ang ating mga pamilya? Ang pamilya kung saan ang mag-asawa sa mata ng Diyos na pinupuno Niya ng grasya at pagpapala Niya ang pundasyon?
Kapag nakalimutan natin ang pundasyon na ito, gaya ng unti-unting nangyayari ngayon ay napakadaling gumuho ng lahat. Hindi natin namamalayan ito kung hindi tayo masugid na nagninilay at nagmamatyag. Pero tingnan mo na lang ang paligid mo. Tingnan mo na lang at pakinggan ang mga tao sa paligid mo kung ano ang sitwasyon nila, ano ang nangyayari. Bakit mas napakaraming depresyon, problema, kabalisaan ang nangyayari ngayon?
Dahil baka unti-unti na tayong nagiging isang komunidad na walang magulang, walang tatay, walang nanay, walang asawang masasandalan. Baka unti-unti na tayong nagiging isang lipunan na mapag-isa.

Tandan natin na ito ang orihinal na disenyo ng Diyos. Kaya kung patuloy tayong magrerebelde dito, tayo ang kawawa dito. Tayo ang magdudusa dahil sa ating sariling katigasan ng puso. Nawa ay ipanalangin natin ang mga pamilya at mag-asawa, ang mga taong gustong mag-asawa, may karelasyon o kahit ang mga naglilive-in nang sa gayon, masunod nila ang kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na ang bawat babae at lalaki na pinagbuklod Niya ay ikasal sa Kanyang Simbahan upang makuha ang kanilang pagpapala. Nang sa gayon, hindi sila mamuhay sa pagkakasala at sa halip ay mapuspos ng Kanyang biyaya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?