Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Awa ng Diyos”

 

 

 

 

Oktubre 5, 2021. Martes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita kay Santa Maria Faustina Kowalska

UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas

Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”
Nakita ng Diyos ang kanilang pagalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang kapistahan po ni Santa Maria Faustina! Siya ang nagpalaganap ng debosyon sa “Divine Mercy” na ating dinadasal madalas tuwing alas tres ng hapon – ang oras ng kamatayan ng ating Panginoon. Si Santa Faustina ay isang madre na galing sa isang napakahirap na pamilya. Napakahirap talaga nila at noong tinawag ng Panginoon si Faustina na maging isang madre ay kinailangan pa niyang manilbihan bilang isang kasambahay muna ng isang taon para lamang makapagbayad siya sa kanyang damit bago pumasok sa kumbento. Ano ba ang espesyal sa babaeng mula sa Poland na hindi rin nakapag-aral?

Simple lang sabihin ngunit mahirap gawin. Minahal niya ang Panginoon sa abot ng kanyang makakaya. Buong puso, kaluluwa at buong lakas. Sa kanyang buhay sa kumbento, bagamat iyon ay labingtatlong taon lamang, ay nagawa niya, ayon sa kalooban ng Diyos ang pagsamahin ang bokasyon ni Marta at ni Maria. Nagawa niyang kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Nagawa niya ang lahat ng pinapagawa sa kumbento nang may buong pagmamahal at sa ilalim ng pagsunod. Higit sa lahat, hindi siya naging masyadong abala at balisa sa mga gawain. Subalit nagawa niyang makinig lagi sa Diyos at sa Kanyang salita. May panahon siya lagi upang magnilay, manahimik, magdasal, magpunta sa Diyos sa Banal na Sakramento upang papurihan at sambahin siya. Nakikita niya at nakakausap si Jesus kung kailan naisin ng Panginoon na makita siya. Nakinig siya at ginawa nang mabuti kung ano ang sabihin ni Jesus kahit pa ang kapalit ay kanyang pighati at hirap.

Subalit sa lahat ng ito na pinagdaanan at naging buhay ni Santa Faustina, nagbunga ito sa buong mundo. Isa sa pinakatanyag na debosyon ngayon ang “Divine Mercy”. Madali lamang itong dasalin lalo ang chaplet, wala pang sampung minuto ay tapos na ito. Subalit napakalaking halaga sa buong mundo dahil dito, hindi lang sarili natin ang ipinagdarasal kung hindi ang buong mundo. Kaya kung wala pa tayong debosyon dito, panahon na upang magsimula tayong magdasal nito tuwing alas tres ng hapon o kahit ang maiksing panalangin lang at sa gabi ang chaplet lalo kung may mga trabaho at gawain.

Tiyak makakatulong tayo sa naging misyon ni Santa Faustina at tayo rin ay magiging mga alagad o apostol ng Divine Mercy para sa ikapagpapatawad ng ating kasalanan at ng kasalanan ng buong mundo. Bigyan nawa tayo ng biyaya ng Diyos matularan ang isang banal gaya ni Santa Faustina na sa gitna ng mga gawain sa buhay, ay laging maalala ang Panginoon. Lagi nating simulan ang bawat gawain sa panalangin at tapusin ito sa panalangin. Sa lahat ng bagay, gawin natin habang nasa presensiya ng Diyos sapagkat hindi Siya nawawala sa ating piling. Ito ang totoo. Tayo lamang ang umaalis at nakakalimot sa Kanya. Kaya naman, sa pamamagitan ng grasya Niya ay magagawa natin ito na mamuhay lagi sa presensiya ng Diyos at bukas ang puso upang makinig sa Kanya sa lahat ng oras. Amen. +
Santa Maria Faustina, ipanalangin mo kami! Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?