Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Panalangin sa Diyos”

Oktubre 6, 2021. Miyerkules ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Bruno, pari.

UNANG PAGBASA
Jonas 4, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas

Hindi nagustuhan ni Jonas ang pag-uurong ng Diyos sa balak na paggunaw sa Ninive at siya’y nagalit. Kaya, dumalangin siya, “Panginoon, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagpala. Alam ko ring matiyaga kayo, punung-puno ng pag-ibig at madaling mapawi ang galit. Mabuti pang mamatay na ako, Panginoon. Ibig ko pa ang mamatay kaysa mabuhay.”
Sumagot ang Panginoon: “Anong ikagagalit mo Jonas?” Walang kibong lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lungsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pinatubo ng Panginoon sa tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at namatay. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakapapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa matinding init.

Kaya sinabi niya: “Mabuti pang mamatay na ako.”
Sinabi sa kanya ng Diyos: “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”
Sumagot siya: “Oo, nagagalit ako. Ibig ko nang mamatay.”
Sinabi ng Panginoon: “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iya’y mamatay. Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Ninive? Ito’y isang malaking lungsod na tinitirhan ng mahigit na sandaa’t dalawampunlibong katao na pawang walang malay, bukod pa sa makapal na hayop!”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 3-4. 5-6. 9-10
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.

MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ang Panginoon ay nagdarasal. Kahit Siya pa ay Diyos, binigyan Niya ng importansiya ang pakikipag-usap sa Ama. Tayo kaya? Itinuturing pa rin ba natin na isang pakikipag-usap ang panalangin? O baka mga salita na lamang ito na kailangang bigkasin upang makuha ang ating hiling? Ang Ama Namin o “Our Father” ay modelo na panalangin sapagkat narito na ang lahat ng dapat nating sabihin sa Diyos. Mula sa pagpupuri sa Kanya, sa pag-tawag sa Kanya na Ama, sa paghiling ng ating mga kailangan sa araw, hanggang sa pagpapatawad ng ating kasalanan, at sa ating pagpapatawad sa kapwa. Sa huli naman ay ang pagsaklolo sa atin ng Diyos mula sa anumang masama o pagsubok.

Madalas kasi nakakalimutan na natin ang ating relasyon sa Kanya. Nakakalimutan na natin na isang Ama ang Diyos. Dumidiretso na lamang tayo sa hiling. Kahit pa wala na tayong pakialam kung nagawa ba natin ang kalooban Niya, kung tayo ba ay sumusunod sa Kanya o talagang pinahahalagahan Siya bilang isang Ama. Minsan hindi na rin mahalaga sa atin kung mapapatawad tayo sa kasalanan o ang pagpapatawad natin sa iba. Minsan ang mahalaga na lamang sa iba ay ang makukuha mula sa Panginoon. Ito ay nakalulungkot sapagkat mas marami pa sanang grasya, pagpapala at kapayapaan ang ating matatanggap kung pagpapahalagahan lamang natin ang Diyos, hindi dahil may nakukuha tayo mula sa Kanya. Kung hindi dahil nakikita natin sa ating buhay ang Kanyang pag-ibig na nananatili sa gitna ng ating mga dagok sa buhay.

Subalit ngayon, maalala nawa natin na mahalaga ang personal nating relasyon sa Diyos. Hindi ang kung ano ang makukuha lang natin sa Kanya. Mahalaga din na may gawin tayo para sa Kanya bilang ating Ama at sumunod sa Kanya. Magsuri tayo sa ating sarili, at alalahanin ang ating mga kasalanan. Habang may oras pa, huwag na tayong tumakbo pa o magmatigas sapagkat hinihintay Niya tayo. At habang tayo’y ginugustong humingi ng tawad, tandaan natin na mapapatawad tayo nang tayo ay mapatawad din ng Diyos. Nawa’y maalala natin itong lahat tuwing dinadasal natin ang nakapagandang panalangin na itinuro sa atin ng Panginoong Jesus. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?