Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF Uncategorized

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Buong Pusong Pagbibigay”

 

 

Enero 27, 2022. Huwebes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

o kaya Paggunita kay Santa Angela Merici, dalaga.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Thursday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Saint Angela Merici, virgin (White).

UNANG PAGBASA
2 Samuel 7, 18-19. 24-29
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Matapos magsalita si Natan kay David, pumasok sa tolda ang hari, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Sino ako, Panginoon, at ano ang aking sambahayan upang ipagmalasakit nang ganito? Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko sa hinaharap. Panginoon, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo nama’y maging Diyos nila. Ngayon, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan.

Magiging bantog kayo sa lahat ng bansa at sasabihin nila: ‘Ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel.’ Sa gayun, magiging matatag sa harapan ninyo ang tahanan ni David na inyong lingkod. Panginoon, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na dumalangin ng ganito pagkat kayo na rin ang nagsabi sa iyong lingkod na paghahariin mo sa Israel ang aking angkan. Panginoon, aming Diyos, kayo’y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. Ngayo’y pagpalain ninyo ang tahanan ng inyong lingkod upang ito’y magpatuloy. Panginoon, Panginoon naming Diyos, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 1-2. 3-5. 11. 12. 13-14
Trono ni David ay laan
sa Manunubos ng tanan.

MABUTING BALITA
Marcos 4, 21-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sinisindihan ba ang ilawan para itago sa ilalim ng takalan, o kaya’y sa ilalim ng higaan? Hindi ba upang ilagay sa talagang patungan? Walang natatago na di malalantad at lihim na di mabubunyag. Ang may pandinig ay makinig.”
At idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo ng Diyos at higit pa. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! “Ang mga mayroon ay bibigyan pa. Ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.” Ano ang ibig sabihin nito? Ang isang taong nagbibigay ay bibigyan din ng Panginoon. Sapagkat siya’y nagtiwala. Siya’y nagpakumbaba at alam niya ang katotohanan na sa Diyos galing ang lahat ng mayroon tayo at dapat din itong ibalik sa Kanya ayon sa Kanyang kagustuhan. Sabi nga ni San Agustin, isang ama ng Simbahan, kunin daw natin ang kailangan natin mula sa ibinigay ng Diyos. Ang sobra ay hindi sa atin kung hindi para sa iba. Kaya kung mayroon tayong sobra at lalo kung marami nito at tinatago lamang natin ay mag-isip na tayo kung namumuhay ba tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Ang tunay na Kristiyano ay kapatid ang turing sa iba. “Ang paghihirap ng iba, ay paghihirap ko”, ganito ang tamang pag-iisip ng isang totoong nananampalataya.

Nang sa gayon, hindi natin kukutyain o ipagsasawalang bahala ang mga mahihirap kung saan naroroon si Jesus. Siya na rin ang nagsabi na kung ano ang ginawa natin sa iba lalo sa mga nangangailangan ay ginawa rin natin sa Kanya.
Kaya naman, kung minsan ay hinahayaan tayo ng Diyos na magkulang at magdusa para malaman natin kung ano ang pakiramdam noon, Minsan ito’y para tayo ay maging mapagkumbaba, mas maging sensitibo sa paghihirap ng iba at sa pamamagitan sana nito ay magpursigi tayong kumilos para tumulong sa iba.

Ang isang palad na bukas sa ibang tao ay bukas din sa Diyos. Kapag tayo ay nagbibigay, lalo tayong bibigyan. Kung tayo’y nagdadamot, sarado ang ating palad pati sa Diyos at mas hindi tayo makakatanggap. Magtiwala tayo sa Diyos na pinanggagalingan ng lahat ng ating biyaya. Nang sa gayon, tayo’y makatanggap ng walang kapantay na balik dito sa mundo man o sa buhay na walang hanggan at kahit sa pareho pa, ayon sa kagustuhan ng Diyos. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Uncategorized

Vanguards of Truth

To explain and defend against the malicious accusations from the enemies of the Church and to help nominal Catholics and