Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Hesus, Liwanag ng Mundo”

 

Pebrero 2, 2022. Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Feast of the Presentation of the Lord (White)
World Day for Consecrated and Religious Life.

UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipapahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayun, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 7. 8. 9. 10.
D’yos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 2, 14-18
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Yamang ang mga anak na tinuturing ng Diyos ay tao, naging tao rin si Hesus, tulad nila – may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa gayun, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi “Ang lahi ni Abraham.” Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayun, siya’y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao. Sapagkat siya ma’y tinukso at nagbata, kaya ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso.
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 2, 22-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang dumating ang araw ng paglilinis sa kanila ayon sa kautusan ni Moises, si Hesus ay dinala ng kanyang mga magulang sa Jerusalem upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,

“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako, yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong tagapagligtas, na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo! Blessed Feast of the Presentation of Jesus in the Temple! Ito nga ay kilala rin bilang “Candelaria”. Dahil ang araw na ito ay ang araw ng paglilinis ng Mahal na Ina ayon sa batas ng mga Hudyo at ng pagdadala ng Sanggol na si Hesus sa templo. Ang mga ito ay ayon sa kautusan ni Moses bagamat hindi naman talaga sumasailalim ang Diyos sa batas na Kanyang itinalaga para sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Dahil sa kababaang loob, ipinapakita ng Diyos kung gaano Niya tayo kamahal. Gustong gusto Niyang makiisa sa atin kaya pati ang mga ito na hindi naman Niya kailangang gawin ay ginusto Niyang gawin upang ipakita ang pakikipagkaisa na sa atin. Ano naman ang ating binabalik sa Kanya? Kung ang Diyos ay gumagawa ng paraan upang makipag-isa sa atin, ano naman ang ating tugon dito?

Gaya ni Jesus, ang ating mahal na inang si Maria ay pumunta sa templo sa araw ng paglilinis 40 araw matapos siyang manganak ayon sa batas subalit hindi rin siya sakop nito dahil siya’y walang bahid ng kadungisan at walang sala. Subalit gaya ng kanyang anak, sa kanyang kababaang loob ay buong puso pa rin siyang sumusunod sa Diyos ayon sa mga kautusan. Ganoon din sana tayo. Tayo ay mababa ang loob sa ating pagsunod sa mga kautusan ng Diyos man o tao. Ito rin ay makikita sa ating paggawa sa mga bagay na para sa ikabubuti ng iba kahit na hindi naman talaga kailangang gawin.

Halimbawa na lamang ng pagbibigay sa mga taong nagugutom at mga naghihirap. Kuntento na tayo, kumakain naman ng sapat, maayos ang kalusugan, bakit kailangan pa natin tumulong sa iba? Dahil ito ang pagsunod sa kautusan ng Diyos. Sinabi Niyang mahalin natin at magbigay tayo sa ating kapwa. Kung sino ang pinakamahirap, ito ang ating kapwa na dapat tulungan. Kung sino ang pinakakawawa, sila ang dapat nating inuuna at pinagmamalasakitan.

Sa ganitong paraan, tayo’y magiging ilaw ng mundo. Sapagkat si Kristo ay sasaatin na Siyang tunay na liwanag ng mundo. Ang paggawa ng mabuti, pagsalita ng mabuti at pag-iisip ng mabuti ay ilaw sa ating pagkatao. Hilingin nating mas lumalim ang presensiya ng Diyos sa atin nang mas maging mabuti tayong tao. Mangyayari ito kung lilinis ang ating pagkatao sa sakramento ng kumpisal at sa ating laging paghingi ng tawad sa Diyos kahit sa maliliit na kasalanan araw-araw. Kailangan nating magpursigi sa mga ganitong bagay upang tayo’y mapuno ng liwanag ni Hesus at maging tunay na liwanag sa iba.

Sapagkat para dito tayo nilikha ng Diyos. Para dito kaya pumarito sa Hesus. Naghasik Siya ng kabutihan, ng pagpapala, ng awa at kapatawaran ng kasalanan. Marapat lamang din na gawin natin ang lahat ng dapat at kaya nating gawin upang ipagpatuloy ito sa ibang tao sa ating sariling paraan. Hindi kailangang laging malaki agad. Basta tumulong lamang tayo sa kapwa at samahan ito ng pagmamahal, tayo’y magiging ilaw ng mundo sapagkat ang dadalhin natin ay ang ilaw ni Kristo na sumasaatin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?