Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pag-ibig na Wagas”

Setyembre 23, 2022. Paggunita kay San Pio ng Pietrelcina, pari.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of St. Pius of Pietrelcina, Priest (White)

UNANG PAGBASA
Mangangaral 3, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral

Ang lahat ng pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa panahong itinakda ng Diyos.
Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay;
ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling;
ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo.

Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa;
ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang.
Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito;
ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon;
ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon.

Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi;
ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.
Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot;
ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan.
Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1a at 2abk. 3-4
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.

MABUTING BALITA
Lucas 9, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Hesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Ang Mesiyas ng Diyos!” sagot ni Pedro.

Itinagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na huwag na nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po kay San Pio ng Pietrelcina! Ang tungkol sa kanyang buhay po ay mababasa matapos ang pagninilay na ito. Kahanga-hanga si San Pedro na buong lakas ng loob at kaisa-isang sumagot kay Hesus “(Kayo po) ang Mesiyas ng Diyos!”. Ganito dapat ang pagpapahayag ng ating pananampalataya. Dapat ito’y buo, matatag at hindi depende kahit kanino man. Ang ating santo na ginugunita ngayong araw na ito ang isa sa pinakatanyag na santo sa ating makabagong panahon. Siya si San Pio ng Pietrelcina. Ang mga araw niya bilang pari ay ginugol sa pagdarasal ng napakaraming rosaryo, mga nasa 34 na misteryo ng rosaryo ang dinarasal niya araw-araw.

Nagpapakumpisal din siya ng mga 19 oras sa isang araw at magtataka ka paano pa siya nanatiling buhay at malakas. Si San Pio o mas kilala sa tawag na “Padre Pio” ang isang ehemplo ng tao na namuhay sa makabagong panahon (namatay siya noon lamang 1968) na nagpapahayag ng pagkaDiyos ni Kristo. Opo at maipapahayag natin ang pagkaDiyos at kaluwalhatian ni Hesus hindi lamang sa mga salita ngunit sa gawa. Maipapadama natin sa mga tao na tunay Siyang Diyos, hindi dahil sa kagustuhan ng iba na makita nila ang anumang kabutihan na mayroon sa atin. Sa halip, gaya ng mga santo, dapat matuto tayong magpakumbaba. Malalaman natin na mayroon tayong mababang loob kung tayo’y nakokontento sa ating mga gawaing mula sa Diyos.

Mula dito’y ang tapat na tao’y babasbasan Niya upang maging liwanag at pag-asa ng marami, gaya ni San Pio. Ang mga ordinaryong bagay ay naging ekstraordinaryo. Bakit nga ba siya sikat na sikat gayong wala naman pala siyang ginawa kung hindi magbabad sa kumpisalan para sa mga gustong humingi ng tawad, magMisa nang taimtim at magdasal para sa mga humihingi ng panalangin? Dahil alam ng Diyos ang puso ng bawat isa at binasbasan Niya ang mga gawa at panalangin ni Padre Pio kaya iniangat Niya ang Kanyang alipin sa takdang panahon. Binigyan Niya siya ng maraming himala dahil sa kanyang purong pag-aalay sa Diyos na hindi iniinda ang sarili.

Napakaraming istorya ng problemang tila imposibleng malutas subalit nagkaroon ng solusyon, mga maysakit kahit pa cancer o tumor na basta gumaling, mga problema sa trabaho at buhay mag-asawa at marami pang iba. Lahat ito’y dahil sa pananalangin ni San Pio magpasahanggang ngayon. Binigay Niya ang buong buong sarili sa Diyos at ang kanyang matapat na paglilingkod at mataimtim na panalangin ay naging isang kaaya-ayang sakripisyong tinanggap ng Diyos para sa ating kapakanan.

Hingiin natin ang kanyang panalangin kasama na ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria nang sa gayon ay matularan natin ang mga banal na nakontento sa paggawa ng anumang kaya nila sa kasalukuyan at ginawa ang mga iyon nang buong puso para sa Diyos hanggang sa huli. Tunay ngang walang imposible sa Diyos at walang imposible sa atin kung tunay tayong nagmamahal ng Diyos higit sa lahat at ng kapwa gaya ng sarili Amen. +

Buhay ni San Pio ng Pietrelcina: http://ourparishpriest.blogspot.com/2020/09/san-pio-ng-pietrelcina-padre-pio.html

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?