Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pakikinig sa Diyos”

Setyembre 22, 2022. Huwebes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Thursday of the Twenty-fifth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Mangangaral 1, 2-11
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral

Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay. Magpakahirap ka man, gumawa man nang gumawa ay wala ring mapapala. Patuloy ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga; habang araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit di ito napupuno.

Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makakayang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari ngayon. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Walang bagong pangyayari sa ibabaw ng daigdig. Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito’y bago.” Ngunit naganap na yaon noong di pa tayo tao. Di na maalaala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

MABUTING BALITA
Lucas 9, 7-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na tetraka ng Galilea ang lahat ng ginagawa ni Hesus. Nagulo ang kanyang isip, sapagkat may nagsasabing muling binuhay si Juan Bautista. May nagsasabi namang lumitaw si Elias, at may nagsasabi pang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong una. Kaya’t ang sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko si Juan; ngunit sino ang nababalitang ito? Marami akong naririnig tungkol sa kanya.” At pinagsikapan niyang makita si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Nabagabag si Herodes sapagkat ang akala niya’y nabuhay muli si San Juan Bautista na kanyang pinapugutan ng ulo. Subalit ang totoo’y ang nakakabagabag sa kanya ay ang kanyang konsensiya dahil sa kanyang masamang ginawa kay San Juan. Doon sa ating konsensiya nangungusap ang Diyos. Dito Niya ipinahahayag sa atin kung ano ang tama o mali. Kaya naman, dapat tayong makinig dito kung saan natin naririnig ang tinig ng Diyos para gawin kung ano ang tama at talagang makabubuti para sa atin. Ganito nga ang Espiritu ng Diyos. Gumagawa rin Siya ng maraming paraan upang ipaalala sa atin kung ano ang tamang gawin lalo kung napupunta tayo sa maling direksyon.

Kaya nga ang Espiritu ng Diyos na na kay Juan Bautista kahit siya pa’y namatay, ay matatagpuan din sa ibang taong Kanyang pinili upang magsalita sa Kanyang Ngalan. Ang Espiritu ng Diyos ay na kay Hesus. Ang Ama, ang Anak at ang Espiritu ay iisa. Ang Kanyang Espiritu’y nasa mga taong nakikinig sa Diyos, sumusunod sa konsensiya at utos Niya kahit kontrahin pa ng mundo. Kaya hindi mapapatay ang Espiritu ng Diyos, lagi Siyang may ginagamit upang magsalita sa Kanyang Ngalan para ipahayag at ipaalala sa tao ang mabuti.

Kumpara mo ito sa mga makamundo at gusto lagi ng pera, posisyon at kapangyarihan. Wala silang tunay na kapayapaan dahil ang kanilang lakas ay napupunta sa pag-iisip at pagpoprotekta ng kanilang yaman at posisyon. Galit sila sa mga nagsasabing sila’y mali at mayroon pang higit na mas magandang buhay na nag-hihintay kung iiwan lamang nila ang mga iyon at matututong magbigay ng anumang kaya nila sa ibang tao. Ano kaya ang gusto nating maging? Ang taong makapangyarihan sa mata ng Diyos o sa mata ng tao?

Ang una’y mahihirapan dito subalit magtatagumpay sa langit. Samantalang ang huli’y magkakaroon nga ng kantanyagan at kapangyarihan dito subalit magdurusa naman kinalaunan sapagkat ang batayan ng Panginoon sa paghuhusga ay kung gaano tayo nagbigay, hindi kung ano ang ating nakuha sa mundo. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?