Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagiging Kristo sa Iba”

 

 

Abril 27, 2024. Sabado sa Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

MABUTING BALITA
Juan 14, 7-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin?

Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Nakaluluwag sa pakiramdam at nakakapanatag ng loob na marinig ang sinabi ni Hesus, “Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.” Dahil tayo’y bininyagan, hindi na tayo mga alipin kundi mga anak ng Diyos. Maari nating hilingin ang anumang nais natin sa Diyos tulad ng isang anak sa kanyang magulang. Subalit tulad din ng isang mabuting magulang, hindi maaring laging ibigay ng Diyos ang lahat lahat na ating naisin sa eksatong paraang gusto natin sapagkat maari tayong magkamali. Maaring ang iniisip nating mabuti, maganda at pinakamainam sa atin ay hindi pala iyon.

Kapalit nito, magkaroon man tayo ng katanungan at hindi man ito maunawaan sa umpisa sa pagkakataong ganoon, binibigay pa rin ng Diyos ang ating hiniling at higit pa rito. Sa ganitong sitwasyon, maghintay man tayo at maisip nating tila hindi sinasagot ng Diyos ang ating dasal, maya-maya, makikita natin kung paano sinagot ng Diyos ang ating panalangin. Minsan, hindi man ang eksaktong ating hiling, ngunit mas maganda pa kaysa sa ating naisip. Minsan naman, ibinibigay ng Diyos ang mismong hiningi natin dahil tunay itong makabubuti para sa atin. Minsan naman, ang sagot Niya pala ay kailangan muna nating maghintay.

Sa lahat ng pananalanging ito, ang kailangan natin ay matibay na tiwala sa Diyos at hindi napapatid na pag-asa sa Kanya. Ito ang tulay na magtatawid sa atin sa gusto nating patunguhan.
Si Hesus ang tanging ating Daan sa Ama at sa tunay na masaganang buhay. Ang Ama at ang Panginoong Hesus ay iisa. Tayo naman ay nagiging isa kasama ng Ama at Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Kailangang makita ito, na ang Diyos ay nananahan sa atin, hindi lang dahil nabinyagan tayo at tapos na iyon. Hindi po, dahil mayroon tayong obligasyon at misyon ngayon na ipakita at ipakilala ang Diyos sa iba sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Kailangang maranasan at maramdaman ng ibang tao ang Diyos sa atin sa pagmamalakasakit at magandang turing natin sa iba lalo sa mga taong hindi maganda ang turing sa atin at ang ugali. Sa ating pagpapatawad, pagbibigay, pagsasakripisyo at pagtindig sa tama, nakikilala tayong mga tunay na anak ng Diyos. Hindi lang dahil sa pangalan ngunit dahil umaakto tayo na kapareho ni Kristo na ating Panginoon. Ang lahat ay dahil sa pag-ibig.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?