Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagdating ng Diyos”

Disyembre 11, 2021. Sabado ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita kay San Damaso I, papa.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Saturday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of St. Damasus I, Pope (White).

UNANG PAGBASA
Sirak 48, 1-4. 9-11
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Noong mga araw na iyon, lumitaw si Elias na parang apoy,
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo?
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipo-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.

Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagsunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos,
sapagkat kami rin ay mabubuhay.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19
Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

MABUTING BALITA
Mateo 17, 10-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Habang bumababa sila sa bundok, tinanong si Hesus ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Sumagot siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, ngunit hindi siya nakilala ng mga tao. At kanilang ginawa sa kanya ang gusto nila. Gayon din naman, pahihirapan nila ang Anak ng Tao.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po ni San Damaso! Si Juan Bautista ay ang makabagong Elias na dumating bilang tulay ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Si Elias ay kinikilalang isa sa mga pinakadakilang propeta. Ganoon din naman si Juan na siyang naghanda ng daraanan ni Jesus. Siya ang nagturo kay Jesus sa mga tao, doon din sa ilog Jordan kung saan ipinasa ni Elias ang kanyang pagmiministro kay Eliseo na nagtuloy ng kanyang mga gawain. Ngayong panahon ng Abiyento ay palagi nating pagninilayan ang pagdating at ang mensahe ni Juan Bautista. Sapagkat ang kanyang ipinapahayag ay pagbabalik sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan. Siya ang naghanda sa mga tao noon sa pagdating ni Jesus. Hanggang ngayon, siya pa rin ang maghahanda sa atin upang tanggapin na muli si Jesus nang mas malalim at mas makabuluhan ngayon kaysa sa mga nagdaang taon. Dahil ganito ang buhay na relasyon natin sa Diyos. Lalo itong mas lumalalim at mas nakikilala natin Siya habang nagdaraan ang panahon.

Para rito ang panahon ng Adbiyento – ang panahon bago ang kapaskuhan kaya naka-kulay “violet” na naman tayo. Ito ay mas malapit sa kulay “violet” na ginagamit ng ating Simbahan kapag kuwaresma. Mas matingkad lang ng kaunti ang kulay na ginagamit ngayon. Kaya naman ang diwa na ito ng pagninilay at pagsisisi ay hindi natin maiaalis sa panahon na ito. Bagamat napakaraming dekorasyon, makukulay na mga parol, may mga kainan, salu-salo at bigayan na ng regalo, alalahanin nating magnilay sa ating buhay, isipin ang ating mga pagkukulang sa Diyos, mangumpisal at magsimba. Ngayon na ang panahon na ito. Sapagkat ang Diyos na darating na kinikilala nating Tagapagligtas ay kailangan din nating ipaghanda ng sabsaban sa ating mga puso.

Kailangan Niya ng lugar sa ating puso, at bilang Hari natin, dapat Siya’y dito sa gitna – sa sentro ng ating mga pagkatao at buhay. Hindi Siya dapat nasa gilid lamang at nauuna pa ang mga piging, regalo at kung anu-anong bagay o kasiyahan. Diyos muna, matapos ay ang ibang bagay na kailangang gawin. At sa lahat ng gawain ay naroon din Siya kasama natin. Nang sa gayon, hindi tayo maging gaya ng mga ibang tao noong panahon ni Jesus na hindi nakita ang mga tanda na ibinibigay ng Diyos. Hindi nila nakita ang pagdating ni Juan Bautista na siyang dapat na maghanda sa kanila. At dahil hindi nila ito nakita, hindi rin sila naging bukas para tanggapin si Jesus. Hindi rin sila nakakuha ng maraming grasya pagpapala at biyayang hindi matatagpuan kahit saan.

Ang Tagapagligtas nating si Jesus ay kailangan ng tatanggap sa Kanyang iniaalay na pagliligtas sa atin. Hindi ito basta babagsak na lamang ng kusa kung hindi natin tatanggapin. Gaya na lamang ng “manna” noong panahon ni Jesus na kung maalala natin ay ang puting tinapay na bumagsak mula sa langit para kainin ang mga Israelita sa disyerto. Kailangan itong abangan upang kunin at kainin. Ganito rin si Jesus at hanggang ngayon nga ay nasa Eukaristiya Siya. Siya ay nanatiling naririto para kanin sa Banal na Misa. Kailangan nating magpunta sa Kanyang bahay kung saan naroon ang Tinapay ng Buhay na ito at kanin Siya upang tayo’y magkaroon ng lakas at buhay. Ano ang tugon natin dito? Tayo ba ay gaya ng mga tao noon na tila walang nakikita at abala sa ibang bagay? O tayo ba ay gaya ni Juan Bautista at ng mga sumusunod sa kanya na naging alerto at matiyagang nag-aantay at naghahanda sa pagdating ng Diyos?

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?