Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagtatanggol sa Katotohanan”

Enero 30, 2022. Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon.

(Ngayon po ay araw ng Linggo, magsimba po tayo sa simbahan po o kahit sa online. Basahin po natin ang pagninilay na nasa dulo ng post na ito.)

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Fourth Sunday in Ordinary Time (Green)

National Bible Sunday
Pro-Life Sunday.

UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 4-5. 17-19
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Noong paghahari ni Josias, kinausap ako ng Panginoon at sinabi niya, “Bago ka ipinaglihi, kilala na kita. Bago ka ipinanganak, itinalaga kita sa akin upang maging propeta sa lahat ng bansa. Magpakatapang ka: humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng inuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod sa akin, lalo kang matatakot kung naroon ka na sa kalagitnaan nila. Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing ito – ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan – ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lungsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 31 – 13, 13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto o kaya: Maikling Pagbasa
1 Corinto 13, 4-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi nananaghili, nagmamapuri, o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos; ngunit pagdating ng ganap, mawawala ang di ganap.

Noong ako’y bata pa, nagsasalita ako, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga asal-bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa aking ng Diyos.
Ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 4, 21-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagsalita si Hesus sa sinagoga: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.” Pinuri siya ng lahat, at namangha sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya sinabi ni Hesus, “Walang pagsalang babanggitin ninyo sa akin ang kawikaang ito: ‘Doktor gamutin mo ang iyong sarili!’ Sasabihin din ninyo sa akin, ‘Gawin mo naman sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’” At nagpatuloy ng pagsasalita si Hesus, “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan.

Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok na burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Linggo po sa ating lahat! Napakabilis talaga ng panahon at parang kakabagong taon lang, ngayon ay matatapos na ang Enero at sa makalawa ay Pebrero na. Napakabilis ding magbago ng isip ng tao. Kasabay ng pagdami ng kaalaman ng tao, maraming mga imbesyon ang dumarating para baguhin ang ating mga buhay at pataasin ang kalidad nito. Subalit mayroong mga bagay na hindi magbabago – ang Salita ng Diyos, ang katotohanan at ang Kanyang mga katuruan. Ang mga ito ang hindi magbabago kailanman. Kaya nga kailangan natin ng mga magtatanggol nito at mga magpapahayag ng katotohanan, sapagkat sa lahat ng panahon ay laging may kumokontra dito. Laging mayroong banta sa katotohanan na pabor sa mga gusto lamang ng tao na taliwas dito.

Kaya napakahirap ng misyon ng isang propeta, kasi ang kanyang misyon ay nananatiling pareho kahit pa ang maging kalaban niya ay ang mundo. Ngunit ito rin ang ating misyon ngayon, gaya na lamang ni Jeremias sa unang pagbasa. Ganoon din si Jesus na nakita nating nagpapahayag ng katotohanan sa Ebanghelyo natin subalit siya’y kinutya ng tao at tingnangkang patayin. Sa lahat ng ito, nakita nating kinakausap ng Diyos si Jeremias. Sinabi ng Diyos kay Jeremias at ito rin ang sinasabi Niya sa atin ngayon na magpakatapang tayo. Manindigan tayo sa tama. Tapangan natin ang ating loob na punahin at kontrahin ang mali. Ang Diyos ay kasama natin, iingatan Niya tayo anuman ang mangyari. Marami mang pagsubok ay hindi natin ito dapat ikatakot.

Ang isang tunay na propeta o tagapaghatid ng Mensahe ng Diyos ay handang mamatay sa kanyang sarili, sa sariling kagustuhan at takot na kinakaharap upang matupad ang kanyang misyon. Ganito rin tayo sapagkat lahat tayo’y tinatawag na maging propeta. Ito ang misyon natin, bawat isa sa ating bininyagan at naging anak ng Diyos. Dahil kung hindi natin ito gagawin ay mas marami ang mamamatay dahil ang pumapatay sa katotohanan ay pumapatay sa buhay. Gaya na lamang ng aborsyon na isa sa pinakamainit na paksa ngayon. Alam ba ninyo na ang aborsyon ay pagpatay?

Napakalaking kasalanan ng pagpatay at ayaw na ayaw natin nito. Subalit hindi ba nangingilabot ang mga pabor sa aborsyon na higit na mas karumaldumal sapagkat sariling laman at dugo ang pinapatay? Alam din ba Ninyo na tanging Simbahang Katolika lamang ang nag-iisang hayagang kumokontra dito, at ipinagtatanggol ang mga inosenteng batang walang kasalanan subalit pinapatay ng sarili nilang mga magulang?

Kung hindi tayo sang-ayon sa katotohanang ito at napakatigas na ng puso natin na gusto lamang igiit ang sariling paniniwala, tayo ay nagkakasala na rin ng pagtataksil kay Jesus. Sapagkat ito ay hayagang pagtalikod sa Kanya dahil sa pagmamalaking mas alam natin ang tama kaysa sa Simbahang itinatag ni Jesus at binigyan ng awtoridad. Kung tayo ay nananahimik tungkol dito, isa rin tayo sa nagkakasala dahil hindi natin alam na hinahayaan natin ang kasinungalingan na manaig sa ating bayan. Ang kasinungalingan ay may kakayanang kumitil ng buhay at ganito nga ang nangyayari. Kung gayon, ano ang ating dapat gawin? Bakit nga ba napakagulo ng mundo ngayon?

Napakagulo nito at lalo pang gumugulo sapagkat pilit nating iniaalis ang Diyos sa ating lipunan at buhay. Kapalit nito ay ang pagsunod sa sariling kagustuhan ng tao na masasama. Ang halimbawa ng aborsyon ay dulot ng kasakiman at iba pang kasalanan gaya ng pakikipagtalik sa hindi asawa. Ang pre-marital sex at “living in” o pagsasama ng hindi kasal ay pinapaboran na ngayon ng madla sapagkat iyon ang mas gusto ng laman. Mas madali daw sumunod sa laman kaysa sa Diyos kaya baliktad na at ang mali na ang nagiging tama. Para sa mga ito, anumang kontra sa kagustuhan ng tao ay masama na. Kaya kung ang tinuturo ng Simbahan ay taliwas sa gusto ng laman, mali daw ang Simbahan at sila pa rin ang tama. Kaya para sa karamihan, ang mali na ang tama ngayon at ang tama na ang mali.

Kaya nga kung iisipin natin, kung itong mga mali na ito ay nagiging “tama” na kahit hindi dahil sa mas marami ang gumagawa nito ngayon, paano pa ninyo makikita ang mali sa aborsyon? Ang mga ito ay napakalaking kasalanan subalit kahit ganito ay naghihintay pa rin ang Diyos na tayo ay bumalik sa Kanya. Hindi pa Niya tayo hinuhusgahan at hindi pa Niya winawakasan ang buhay natin o ang mundo. Kaya tayo ay may panahon pang piliin ang tama at sana ay huwag nating sayangin iyon.

Hangga’t hindi tayo tuluyang magbabago, mananatiling balisa ang ating lipunan at magulo. Hangga’t maraming taong bulag ang pumapanig sa masama at kasinungalingan, lalo itong gugulo at mas hihirap pa ang ating buhay. Sapagkat Diyos ang lumikha ng mundo. Siya ang Katotohanan. Siya ang Buhay. Kung tatanggalin natin Siya sa lipunan, mawawalan ng kapayapaan at ito ang gusto ng mga masasama para magawa nila ang gusto dahil sa kasinungalingang pinaniniwalaan nila. Dahil na rin ito sa mga tao na kahit Katoliko pa, ay ayaw magsalita ng totoo at ayaw manindigan dito.

Kaya naman tayo’y manalangin at lumaban sa pamamagitan ng pagsasalita ng totoo. Lagi nating alamin ang katotohanan, ang turo ng Diyos – ng totoong Simbahan na itinatag Niya at manindigan dito. Sa gayon ay makikibahagi tayo sa pagliligtas ng mundo, sa pagliligtas ng tao at sa pagbabalik ng kapayapaan at pag-ibig sa ating bayan na pilit iniaalis ng diablo. Ang diablo ay totoo, kitang kita at nararanasan siya sa mga masasama ngayon. Huwag tayong magpakabulag pa at labanan natin ito sa Ngalan ng Diyos. Ito ay alang-alang na rin sa atin, sa mundo at sa mga susunod pang henerasyon. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?