Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbibigay ng Diyos”

 

 

 

 

 

 

Agosto 17, 2021. Martes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Tuesday of the Twentieth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Mga Hukom 6, 11-24a
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom

Noong mga araw na iyon, dumating sa Ofra ang anghel ng Panginoon at naupo sa ilalim ng puno ng encina ni Joas na kabilang sa lipi ni Abiezer. Si Gedeon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik at baka siya makita ng mga Madianita.
Nilapitan siya ng anghel ng Panginoon at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo ang Panginoon, matapang na bayani.”
Sumagot si Gedeon, “Bakit ganito ang pamumuhay namin kung sumasaamin ang Panginoon? Bakit wala siyang ginagawang kababalaghan ngayon, tulad noong ialis niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa kuwento nila sa amin? Kami’y pinabayaan na ng Panginoon. Kung hindi ay bakit natitiis niya kaming pahirapan ng mga Madianitang ito?”

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel.”
Sumagot si Gedeon, “Paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming sambahayan ang pinakamaliit sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakamahina sa amin.”
Sinabi sa kanya Panginoon, “Maililigtas mo ang Israel pagkat tutulungan kita. Lulupigin mo ang mga Madianitang ito na para ka lang pumatay ng isang tao.”
Sumagot si Gedeon, “Kung ako, Panginoon, ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”

“Hihintayin kita,” sagot ng Panginoon.
Lumakad na nga si Gedeon. Nagluto siya ng isang batang kambing at isang takal na harinang walang lebadura. Pagkaluto, inilagay niya ito sa basket at naglagay ng sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ng Panginoon sa ilalim ng punong encina. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong iyan ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, busan mo ng sabaw.” Gayun nga ang ginawa ni Gedeon. Ang pagkain ay sinaling ng anghel sa pamamagitan ng tungkod. Nagkaroon ng apoy at nasunog ang handog. At biglang nawala ang anghel.
Noon naniwala si Gedeon na ang anghel nga ng Panginoon ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at nanginginig na nagsalita, “Diyos ko, nakita ko nang mukhaan ang anghel ng Panginoon!”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag kang matakot. Hindi ka maaano.”

At si Gedeon ay nagtayo roon ng isang altar na tinawag niyang Ang Panginoon ay Kapayapaan, Panginoon — Salom.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.

MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Hindi kasalanan ang pagiging mayaman. Subalit maaring magmula ang kasalanan dito kung: 1. Mas minamahal ang kayamanan kaysa sa Diyos. 2. Mas minamahal ang kayamanan kaysa kapwa. 3. Mas minamahal na ang sarili dahil sa kayamanan kaysa sa ibang tao at sa Diyos na nagbigay ng lahat ng ito. Kaya kung tutuusin mas malakas ang tukso sa pagiging mayaman. Dahil nasa kanyang kamay kung paano gagastusin ang lahat ng mayroon siya. Malakas ang tukso dahil nasa kamay na niya na ilaan ang lahat ng pera para sa sarili at sariling kagustuhan. At ganito nga ang nangyayari sa mundo kaya nakakalimutan na natin na hindi ito ang ating permanenteng tirahan. Mas dapat na paghandaan ang darating pa – ang langit. Mapupunta tayo sa langit kung susundin natin si Jesus. Siya na perpekto, napakayaman, isang Hari na nakatira sa langit nguit naging mahirap para sa atin – para maging tulad ng mga aba sa atin at buksan para sa atin ang pintuan ng langit.

Kaya sinabi ng Panginoon na napakahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Diyos pero hindi imposible. Maraming mga santo ang mga mayayaman subalit nagawa nilang ibigay ang lahat ng mayroon sila para sa dukha dahil sa pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang kanilang yaman ang naging daan nila sa buhay na walang hanggan. Sapagkat kung ano ang sobra na mayroon tayo ay hindi na para sa atin. Ang sobra na mayroon tayo ay para na sa ibang tao.

Hindi natin makukuha ng sariling kapangyarihan ang kaligtasan. Kahit anong gawin natin, kung tayo lang at wala si Cristo, ay balewala. Subalit kung sa lahat ng bagay – sa pagbibigay mula sa maliit na bagay hanggang sa malalaki ay kasama natin si Jesus, iniaalay ang lahat para sa Kanya at dahil sa pag-ibig sa Kanya, tayo ay maliligtas. Sapagkat ang kaligtasan ay na kay Jesu Cristo, sa pamamagitan Niya at ng Kanyang simbahan. Panahon ito upang mas magnilay sa sarili lalo ngayong may pandemya. Ano nga ba ang pinakamahalaga sa atin, ano o sino ang ating tunay na iniibig? Dapat una muna ang Diyos higit sa lahat hindi lamang sa salita ngunit higit sa lahat ay sa gawa nang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Kung ang buhay na maginhawa sa lupa at komportable ay pinagsisikapan, pinag-aalayan ng oras, dugo at pawis, paano pa kaya ang buhay na walang hanggan na permante nating tirahan?

Nawa’y maging wais tayo na piliin kung ano ang tama at pinakamaganda para sa atin. Bigyan nawa tayo ng Diyos ng karunungan at ilaw para makita ang lahat ayon sa katotohanan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: Margarita de Jesus
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?