Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Tunay na Wais”

 

 

 

 

Agosto 16, 2021. Paggunita kay San Roque, Nagpapagaling.

Memorial of St. Rock, Healer (White).

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Mga Hukom 2, 11-19
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom

Noong mga araw na iyon, ang mga Israelita ay gumawa ng masama sa Panginoon. Naglingkod sila sa mga Baal. Tinalikdan nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at siyang nag-alis sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyusan ng mga bayan sa paligid. Kaya, nagalit sa kanila ang Panginoon. Tinalikdan nga nila ang Panginoon at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa Israel. Kaya, sila’y pinabayaan niyang malupig ng kaaway at samsaman ng ari-arian. Tuwing sila’y makikipagdigma, ipinalulupig sila ng Panginoon, tulad ng kanyang sumpa. Anupat wala silang kapanatagan.

Ang Israel ay binigyan ng Panginoon ng mga hukom upang magtanggol sa kanila. Ngunit hindi nila pinakinggan ang mga ito. Tinalikdan nila ang Panginoon at naglingkod sa mga diyus-diyusan. Lahat ng hukom na inilagay ng Panginoon ay tinulungan niya upang iligtas sila sa kanilang mga kaaway. Nababagbag ang kanyang kalooban dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. Ngunit pagkamatay ng hukom na inilagay niya, ang mga Israelita’y nagbabalik sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa Hindi nila maiwan ang kanilang kasamaan.
Ang Salita ng Diyos

SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 34-35. 36-37. 39-40. 43ab at 44
Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Roque! Ang mahal na santo na ito na patron din ng maraming bayan o lugar sa Pilipinas ay ang sumunod sa sinasabi ng Panginoong Jesus. Taliwas sa mayaman na binata sa ebanghelyo, si San Roque ang binata na mayaman na “umuwing” masaya. Sapagkat iniwan niya nga ang lahat, pinagbili at binigay pa sa mga mahihirap ang kanyang mga pera. Saka naglakbay sa iba’t ibang lugar na Sagrado. Sa paglalakbay ay tumulong siya sa mga may sakit noong panahon nila na may pandemya na pinakamalubha raw sa kasaysayan ng mundo. Bakit naman siya “umuwing” masaya kung ganito pala ang dinanas? Kung naging mahirap siya, isang taong walang tirahan at kung saan-saan tumutuloy, matapos ay nag-aruga pa ng mga may sakit, paano siya naging masaya? At hindi lang basta may sakit subalit mga may sakit dulot ng pandemya noong panahon nila ang pangalan ay “Bubonic Plague” o kilala rin bilang “Black death”. Sapagkat daang milyon ang namatay noon sa mundo dahil dito.

Hindi natakot si San Roque. Inialay niya ang buhay nang buong buo. Kaya siya umuwi na masaya patungong langit ay dahil nagawa niya ang utos ng Panginoon. At ang kanyang gantimpala ay hindi man nakita dito sa lupa, subalit naroroon sa langit kung saan hindi ito matutupok ng apoy. Ang kanyang pangaral kasama ng Diyos ay wala ring hanggan. Ilang siglo na ang nagdaan mula noong siya’y namatay subalit inaalala pa rin natin ang buhay ng isang banal na sinikap sumunod sa yapak ni Jesus. Isang taong piniling maging mahirap bagama’t siya’y mayaman dahil sa lubos na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Marami siguro sa panahon ngayon iisipin na isa itong kahangalan. Ang daming gustong maging mayaman at maginhawa ang buhay. Subalit kung dito na tinutuon ang pansin sa puro pansariling ganansiya, pagiging Kristiyano pa ba ito? Sapagkat ang buhay Kristiyano ay buhay para sa iba. Hindi pansarili lamang. Kung ang huli ang pipiliin natin, sino ang talagang sinusunod natin, si Kristo o nag mundo?

Ang tunay na hangal ay ang siyang nagbubuhos ng lakas, puso, kaluluwa, isip, pagod at lahat lahat para sa kayamanang iiwan pagkamatay. Ang tunay na wais ay ang siyang kayang iwanan ang dapat na iwananan alang alang sa pagsunod sa Diyos. Iba iba tayo ng tawag mula sa Diyos, ano ang sa iyo? Ano o anu-ano ang mga dapat mong iwanan para tuluyang makatugon sa imbitasyon ni Jesus para sa atin na sumunod sa Kanya?

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: Margarita de Jesus
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?