Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagpapahayag ng Ebanghelyo”

 

 

 

 

 

 

 

Oktubre 18, 2021. Kapistahan ni San Lucas,
Manunulat ng Mabuting Balita.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Feast of St. Luke, Evangelist (Red).

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 10-17b
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo

Pinakamamahal, iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling sa bagay na pansanlibutan; siya’y nasa Tesalonica. Nagpunta sa Galacia si Cresente, si Tito nama’y sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko. Hanapin mo si Marcos at isama mo dito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gagawin. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagparito mo, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko kina Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong yari sa pergamino.
Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday-tanso. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka sa kanya sapagkat tutol na tutol siya sa ipinangangaral natin.

Walang sumama sa akin nang una akong humarap sa hukuman. Pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’

Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang kapistahan po ni San Lucas! Isang manunulat ng Mabuting Balita, martir, manggagamot, at pintor. Siya lamang sa apat na Ebanghelista ang nagsulat mula sa pagbabalita ni Anghel Gabriel kay Maria, sa paglilihi ng ating ina at iba pang mga tagpo tampok ang Banal na Pamilya. Isang matapat na kasama si San Pablo, prinsipe ng mga apostol. Sa lahat ng marami at mabubuting gawa na ito, nananatili ang katahimikan ni San Lucas. Hindi niya iniangat ang sarili at maging sa mga sulat niya ay hindi pinangalanan ang sarili sa paglathala ng mga bagay. Kuntento na siyang magawa ang lahat ng bagay na ito mula sa maliliit at malalaki para sa Panginoong Jesus.

Bukod tanging siya lamang ang hindi nakakita at nakakilala kay Jesus nang personal kumpara sa iba pang ebanghelista na sina San Mateo, San Marcos at San Juan. Sinasabing galing siya sa hindi Hudyo subalit hentil na pamilya gaya natin na hindi naman Hudyo. Subalit bakit ganoon na lamang kaalab ang kanyang pag-ibig kay Jesus na hindi niya nakita o nakasamang kumain?
Hindi ba’t tulad din tayo ni San Lucas? Hindi natin nakikita si Jesus o nakakain kasama Niya subalit naniniwala tayo sa Kanya. Maipapadama natin ang pagmamahal natin kay Jesus na hindi natin nakikita sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay sa mga dukhang ating nakikita. Madaling magsabi na tayo ay nagmamahal sa Diyos at sa kapwa subalit mapapatunayan ito sa gawa kapag nahihirapan na.

Gaya ng mga alagad na nag-alay at nagbuwis ng buong buhay sa Diyos, tayo rin ay inaanyayahan maging lingkod ng Diyos. Kasama tayo sa iisang misyon na ito ng Simbahan. Una sa mga apostoles, matapos sa mga taong nagdaan sa mundo bago tayo at hanggang sa atin magpasahanggang ngayon
Hindi tayo mga “outsiders” o taga-tingin lamang. Tayo ay mga anak ng Diyos na sinugo Niya upang maghatid ng Magandang Balita sa lahat ng tao sa salita at sa mabubuting gawa. Nawa ay isipin natin kung paano natin ito magagawa sa ating buhay. Sapagkat ito ang ating daan patungong langit. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?